Patuloy na naghahanda ang mga residente at mga otoridad ng southern provinces ng Pakistan dahil sa inaasahang mas malala pang pagbaha sa kanilang lugar.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagbaha sa malaking bahagi ng Pakistan kung saan halos 1,000 na ang nasawi dahil sa kalamidad.
Ayon sa report, bagamat bahagyang tumila ang mga pag-ulan, hindi pa rin tuluyang humuhupa ang tubig-baha.
Kaugnay nito, maraming mga kalsada at mga tulay ang napinsala kung saan inihayag ng mga Pakistani officials na hindi ito masisisi sa kalidad ng mga imprastraktura dahil batid naman ng buong mundo ang epekto ng climate change.
Kinumpirma ni Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif na umabot sa 33 million na tao o 15% ng kanilang kabuuang populasyon ang apektado sa pagbaha.
