Pagtatapon ng mga Chinese vessels ng dumi ng tao sa WPS, kinundena ni Sen. Recto

Mariing kinundena ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang iniulat na pagtatapon umano ng mga barko ng China ng dumi ng tao sa West Philippine Sea.

Iginiit ng Senador na kailangan ikonsidera ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsasampa ng diplomatic protest laban sa China, dahil ginawa aniya ng China na “Waste Philippine Sea” ang nasabing karagatan.

Read More:  Zubiri apologizes to Inday Badiday’s family

Hinikayat din nito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang nangyari at kung may batayan ay magsampa ng kaso sa korte.

Paliwanag ng mambabatas, sa domestic at international laws, bawal magtapon sa mga karagatan ng dumi at basura ang lahat ng barko.

Sa batas naman aniya ng Pilipinas, may katapat aniyang parusang pagkakakulong at malaking halaga ng multa ang pagtatapon ng mga dumi sa dagat.

Read More:  Tulfo says leadership change needed to restore Senate dignity

Ipinunto pa ng Senador na kung magbubulag-bulagan dito ang Pilipinas, hindi aniya maparurusahan ng gobyerno ang mga nagkakalat sa lansangan.

Kahit naman aniya walang batas ukol dito, hindi dapat gawang tapunan ng kahit anong basura o dumi ang West Philippine Sea.