NAGA CITY – Sisimulan nang muli ng Naga City Environment and Natural Resources Office ang pagtatanim ng punongkahoy bilang paghahanda sa paparating na tag-ulan.
Sinabi sa Brigada News FM Naga ni Engr. Dan Cea, Forest In Our Midst Project Head, may mga nakaschedule na silang tree planting activities kaugnay na rin ng pagdiriwang sa Charter Anniversary ng lungsod sa Hunyo. Sa ngayon, una nilang hakbang ang restoration at recovery ng mga punong una ng naitanim noon. Sa kasalukuyan, mayroong labing isang lokasyon ang nataniman na tulad ng mga easement area, gilid ng national highways at maging ang mga paaralan.
Matatandaan na noong mga nagdaang buwan kung saan nakaranas tayo ng sobrang init ng panahon, pansamantalang itinigil ang mga tree planting activities sa lungsod upang maprotektahan rin ang mga magtatanim ng puno sa labis na init. Ngayon, muling iniimbitahan ng opisina ang lahat na makiisa sa kanilang mga aktibidad. Bukas rin ang kanilang opisina sa mga indibidwal o grupo na nais makipagtulungan sa kanila sa pagtatanim.