Naniniwala si House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. na ang pagtakas ay indikasyon ng pagiging guilty.
Tugon ito ni Abante sa patuloy na pagtanggi ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Quad Committee ukol sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Binigyang-diin ni Abante na sa halip na tumalima sa ipinasusumiteng dokumento na ipina-subpoena ay lalo pang nagtago si Roque at nagmatigas na hindi susuko.
Hindi aniya ito pagtindig sa karapatan kundi pag-iwas sa pananagutan kasabay ng paggiit na hindi nakaaangat sa batas ang dating tagapagsalita.
Binara rin ng kongresista ang pahayag ni Roque na inaabuso ng Kamara ang kapangyarihan nito na magpataw ng contempt order at iginiit na kung wala namang isyu sa mga ipinasusumiteng dokumento at walang kasalanan ay bakit siya nagtatago.
Nabigyan na umano ng maraming pagkakataon si Roque para ipagtanggol ang sarili at linisin ang pangalan sa quad committee ngunit mas pinili nitong pagtaguan ang batas.
Sa kabila ng umano’y di tamang asal ng isang dating cabinet member at kongresista ay magpapatuloy ang pagdinig ng quad comm lalo’t sinasabing naibunyag na ang koneksyon ni Roque sa Lucky South 99 POGO Hub sa Porac, Pampanga.