Ipauubaya na lang ni Vice President Sara Duterte sa publiko ang pagsuri umano sa motibo ng Kongreso sa paghahain ng resolusyon na humihimok sa gobyerno na makipagtulungan sa International Criminal Court.
Ayon kay VP Sara ayaw na niyang kulayan ang mga dahilan sa likod ng mga magkakasunod na paghahain ng tatlong resolusyon sa Kamara na humihikayat sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa giyera kontra droga ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang magkakasunod na resolusyon mula sa Kamara at senado ay nangyari sa gitna ng paglipat alyansa ng mga dating kaalyado ng mag-amang Duterte at kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.
Sa kabila ng mga isyung nangyayari sa ilang miyembro ng Uniteam nilinaw ni VP Duterte na walang lamat ang relasyon nila ni Pangulong Marcos at iba pang miyembro ng nasabing partido.
Sinabi naman ni Duterte na sa Department of Justice nila idadaan ang giit ng kanilang posisyon na dapat ay hindi makipagtulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC.
Nanindigan naman ang DOJ na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas ngunit kailangan nilang maging bukas sa mga suhestiyon.
