Pagpreserba sa napapabayaan nang heritage site, panawagan ng Cultural heritage advocate sa Partido Area

CAMARINES SUR — Napapanahon na at dapat matagal nang tinututukan ng mga lokal na pamahalaan ang preserbasyon at konserbasyon sa mga napapabayaan nang cultural heritage site sa Partido Area;  ito ang panawagan ng ilang heritage-preservation advocate kaugnay ng tila unti-unti nang naisasantabing sektor sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur.

Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Marjun Sedeño, ang Director ng Education Committee of Saysay Bikol, at Bikol Studies Instructor ng Partido State University, bagaman may isinagawa nang cultural mapping sa ilang bayan at may naitala nang mangilan-ngilang intangible heritage, at may mga ordinansa na rin ang ilang lokal na gobierno kaugnay ng preserbasyon at konserbasyon nito, kinakailangan pa itong mas palakasin at tutukan ng mga nasa posisyon.

Sinang-ayunan naman ito ni Kyna De Castro, isang cultural heritage advocate at history enthusiast mula sa bayan ng Goa, aniya, kung hahayaan lamang ng mga LGU ang mga ancestral house at ilang heritage site, partikular na sa nasabing bayan, hindi ito maayos at mapapanatili para sa mga susunod pang henerasyon. Sa bayan ng San Jose, nitong Pebrero, una nang isinagawa ang ocular inspection sa mga itinuturing na heritage site kasama ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), at pag-asang mapapadali nito ang paglalagay ng mga historical marker sa mga historical and heritage structure nasabing bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *