CAMARINES NORTE- Maaantala umano ang ilang mahahalagang panukala lalo na ang 2022 Annual Budget ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Capalonga, Camarines Norte.
Kasunod yan ng ipinataw na anim na buwang suspensyon ng Sangguniang Panlalawigan kay Vice Mayor Juan Enero at pitong konsehal na sina Fatima Navarro, Cony Olin, Renato Aler, Abraham Juego, Ramil Raviz, Remegio Barbo at Felix Oliva.
Batay sa post sa facebook page ng Sangguniang Bayan ng Capalonga, kahapon ng umaga dapat ang unang sesyon ng konseho para sa taong 2022 pero bago pa man ito magsimula ay natanggap na ng nabanggit na mga opisyal ang anim na buwang suspension order na pirmado ni Governor Edgardo Tallado.
Hindi umano natapos ang approval ng Annual Budget sa nakalipas na buwan dahil hindi agad nakapag sumite ang ilang opisina ng mga kinakailangang dokumento tulad ng Plans, Programs and Activities at Program of Works at iba pa.
Tiniyak naman ng mga opisyal na pinatawan ng suspensyon na gagawa sila ng ligal na hakbang para maitama ang anila’y kamaliang ito.
Matatandaan na nag- ugat ang suspensyon, makaraang sampahan ng kasong administratibo ni Punong Barangay Arlene Conmigo ng Camagsaan ang mga nabanggit na opisyal ng SB Capalonga dahil umano sa Grave Abuse of Authority.
