CAMARINES NORTE- Inanunsiyo kaninang umaga ng Philippine Coast Guard na maaari nang maglayag at pumalaot ang mga mangingisda.
Kasunod yan ng deklarasyon ng Pagasa na lifted na ang gale warning sa karagatang sakop ng lalawigan pagkalipas ng mahigit isang linggo.
Batay sa Sea Travel Advisory na ipinalabas ng Camarines Norte Coast Guard Station kaninang umaga, nagkaroon ng improvement sa lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan kumpara noong mga nagdaang araw.
Sa kabila nito, pinaalalahahan ng PCG ang lahat ng mga sasakyang pandagat na gawin pa rin ang “extra precautionary measures” at maging ‘aware’ palagi sa kasalukuyang weather condition.
Kapag ganito kasing panahon na umiiral ang amihan ay madalas na malakas ang dagat at matataas ang alon na delikado lalo na sa mga maliliit na bangka.
Mistulang nagbalik naman ang sigla sa Mercedes Fish Port kaninang umaga dahil mayroon nang mga huling isda.
Bago pa man kasi ianunsiyo na lifted na ang gale warning ay may mga pumalaot nang mangingisda simula pa kagabi.
Matatandaan na labis na naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lalawigan nitong mga nagdaang araw dahil hindi makapalaot bunsod ng hindi magandang lagay ng panahon.
