Babaguhin na ng Department of Health ang pagpapalabas ng ng case bulletin simula Marso 7, kung saan ito ay gagawin kada Lunes na lamang.
Ang naturang desisyon ay sa harap ng pagsisimula ng “new normal” o Alert Level 1 ngayong Marso.
Sa gagawing weekly tally, tututukan na lang ng gobyerno ang mga severe at critical cases, maging ang ICU utilization, at isasama na rin ang mga bagong variant of concern sa case bulletin.
Sa gitna nito, binigyang diin ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi kailangan mabahala ang mga kababayan, dahil patuloy ang mahigpit na pagmonitor ng DOH sa mga kaso.

Nilinaw naman ni Vergeire na sa ngayon, mananatili pa ring araw-araw ang pag-update ng COVID-19 tracker, bagama’t kalauna’y ipe-phase out rin ito. //MPT