CAMARINES NORTE- Muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna at pagsunod sa health protocols sa gitna ng banta ng bagong COVID- 19 variant na Omicron.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola, bagamat wala pang konkretong pag- aaral sa ngayon hinggil sa naturang variant ay mahalaga umanong palaging isaisip ang pagsunod sa health protocols.
Ginawa ang paalala sa gitna ng tila pagkalimot ng iba na sundin ang minimum health standards lalo na sa mga pampublikong lugar dahil sa pagluwag ng COVID- 19 restrictions.
Hinimok din ni Iraola ang mga nagdadalawang isip pa ring magpabakuna na makipag ugnayan sa kanilang RHU para mabakunahan
“Ang nakakatakot ay meron pa tayong isang variant, Omicron na sinasabi na nag mutate na ang ating dating original na virus na naging omicron na, ang dami nitong mutations within pero at this point in time patuloy pa naman ang pag aaral weather this, para malaman kung talagang Omicron is that severe or it invade the vaccination or is easily transmissible,” ani Iraola sa panayam ng Brigada News FM Daet.
Sa ngayon ay nasasagawa na rin booster shot ng COVID- 19 vaccine sa lalawigan.
Sabi ni Iraola, magkakaroon pa rin ng prioritization upang maiwasan ang pagdagsaan ng tao sa mga vaccination site.
Sa ngayon ay prioridad umano sa makakatanggap ng booster shot ay ang health frontliners, senior citizen at persons with comorbidity.
Para din makatanggap ng booster shot ay kailangang 6 na buwan na ang nakalipas mula nang mabakunahan ng second dose.
Sinabi naman ni Dr. Monrey Isaiah Mancilla, Medical Officer IV ng DOH Bicol na base sa mga pangunang pag- aaral tungkol sa Omicron variant ay lumalabas umano na mas lamang ang proteksyon ng mga bakunado kaysa wala.
Aniya mas mainam na makapagpabakuna na ngayon bago pa pumasok sa bansa ang bagong variant dahil mas magiging mahirap umano kung nakapasok na ang virus sa community na marami pa rin ang walang bakuna.
