CAMARINES NORTE- Deklaradong holiday ngayong araw sa lalawigan ng Camarines Norte dahil sa pagdiriwang ng ika- 111 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Gat Wenceslao Q. Vinzons na kilala rin sa tawag na Bintao.
Wala man ang nakagawiang malaking selebrasyon lalo na sa kaniyang hometown sa bayan ng Vinzons dahil sa COVID- 19 pandemic ay mas naging makabuluhan naman ito lalo na sa mga taong malapit kay Bintao na nagbigay ng kanilang video message sa mga taga Camarines Norte.
Si Dondi Vinzons Gaite ay nagpaabot ng pagpupugay at pagsaludo sa mga medical frontliners na tulad umano ng kanilang Lolo ay nagbubuwis ng buhay para sa bayan kahit na minsan ay nakakalimutan umano ng gobyerno.
Inilahad din nito ang ilan lamang mga legasiya ni Bintao kung saan una umano dito ay ang pagmamahal sa bayan.
Hindi lang umano sariling buhay ang ibinuwis ni Bintao kundi maging ng kaniyang pamilya.
Pangalawa ay lagi umanong nasa isip ni Bintao na pag isahin hindi lang ang mga Pilipino kundi mayroon din umano itong ginampanang papel noon sa South East Asian Region.
Pangatlo, si Vinzons umano ang itinuturing na “father of student activism” sa bansa na siya umanong tinitingala ng mga kabataan.
Ngayong panahon ay marami umanong mga kabataan ang nakikilahok na rin sa larangang pampulitika.
Inanunsiyo rin nito na sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ay planong i- renovate ng pamilya ang Vinzons Shrine na matatagpuan sa bayan ng Vinzons at bubuksan ito sa publiko.
Ipinunto naman ng isa pang apo ni Bintao na si Brig. Gen. Augusto Vinzons Gaite ng Philippine Airforce na tila mas mahirap ngayon ang kalaban kaysa sa panahon ng kaniyang lolo.
Aniya, noon kasi ay nakikita ang kalaban pero ngayon umano ay may matindinng kalaban na hindi nakikita at ito ang COVID- 19 pandemic na nagdulot na rin ng maraming pagkawala ng buhay.
Ang importante umano ay malagpasan ang problema at mangyayari lang ito kung magpapabakuna ang mga tao.
Hinimok din nito ang lahat lalo na ang mga taga Camarines Norte na huwag nang magdalawang isip at magpabakuna na.
Kung nabubuhay umano si Bintao ngayon ay ito rin ang magiging adbokasiya niya na himukin ang mga tao na magpabakuna.
(PHOTO : Museo Bulawan)
