NAGA CITY- Malaking hamon ang pagkalat ng fake news para sa pagtuturo o pagpapabatid ng mga naganap noong EDSA People Power Revolution I.
Ito ay ayon kay Camarines Sur National High School Principal Dr. Sulpicio Alferez sa naging panayam ng Brigada News FM Naga. Aniya sa kasalukuyan maraming resources sa internet na makakapagsabi ng mabuti at hindi magandang naidulot ng mapayapang rebolusyon laban sa dektatoryang pamamahala, kalat din ang fake news na nagdudulot ng kalituhan sa mga mag-aaral.
Kaya ipinayo nito sa mga estudyante na mas mainam paring gawing batayan ang mga aklat na dumaan sa masusing paghimay sa bawat paniha. Sa mga guro naman mas maganda kung magtuturo base sa karanasan ayon pa sa Punong Guro. Noon kasi aniya nasa kahabaan man ng EDSA ang ilang araw na pag-aalsa, may mga aktibidad din sa iba’t-ibang lugar tulad na lamang sa lalawigan ng Camarines Sur na mayroon ding mga prayer vigil. Kung may mga negatibo man aniyang dala ang People Power Revolution I nainam din kung lehitimo ang pinagkunan ng impormasyon.
Samantala magkakaroon ng maikling programa ang lokal na pamahalaan ng Naga sa Freedom Monument ngayong araw. Dati dumadalo ang mga mag-aaral subalit ngayong pandemya, nalimitahan sila.
Para kay Alferez, mas mabuti kung maipapakitang muli sa mga estudyante ang mga simbolo ng kasaysayan sa bansa.