Suportado ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante ang pagiging mandatory ng booster vaccination sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Solante, miyembro ng technical advisory group ng Health Department, na kahit na naitatala ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nananatili pa ring mababa ang bilang ng mga nagpapa-booster shots.
Kung ikukumpara raw sa ibang mga bansa, 20% pa lang ng eligible population ang mga nagpapa-booster sa Pilipinas.
Sakali man aniyang maging mandatory na ang pagtuturok ng booster dose – makatutulong ito sa pinaplanong full resumption ng face-to-face classes sa Nobyembre.
Matatandaang muli na namang tumaas ang positivity rate sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan ayon sa datos ng OCTA Research.
Tugon dito ni Solante, inaasahan na raw ang paglobong muli ng mga kaso lalo na’t dumarami ang mga naitatalang mas nakahahawang Omicron subvariants sa Pilipinas.
#