CAMARINES NORTE- Naniniwala si Mercedes, Camarines Norte Mayor Alexander Pajarillo na magsisilbing babala ang pagkakahuli sa isang malaking bangka na iligal na nangingisda sa karagatang sakop ng naturang bayan noong weekend.
Ayon sa Alkalde maaari namang mangisda ang trawl basta sa labas ng Municipal water at hindi magsisilbing kaagaw sa hanapbuhay ng mga maliliit.
Matatandaan na nahuli noong Biyernes ng hatinggabi ang hindi bababa sa sampung mangingisda matapos umanong maaktuhang iligal na nangingisda sa loob ng Municipal Water sa Barangay Lanot.
Ang mga nahuling mangingisda ay nagmula pa sa Camarines Sur.
Babala ng Alkalde na mahigpit ang nilalaman ng Municipal Ordinance 159 kung saan kahit hindi aktuwal na nanghuhuli ng isda basta mayroong mga kagamitang ipinagbabawal at nasa loob ng municipal water ay awtomatikong huhulihin.
Ang naturang ordinansa umano ay minsang kiniwestiyon noon ng mga may ari ng malalaking commercial fishing vessel at umabot pa sa Supreme Court.
Sa huli ay kinatigan ng SC ang naturang ordinansa.
Nais umano ng Alkalde na ipalaganap ang tungkol sa naturang ordinansa upang magsilbing babala sa lahat na gagawa ng iligal.
Isa ang kampanya kontra illegal fishing sa mga prioridad din ngayon ni Governor Ricarte Padilla.
