CAMARINES NORTE- Hihirit ng panibagong pondo ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para madagdagan ang mabibigyan ng tulong pangkabuhayan.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Regional Director Nelson Bien na may mga inihahanda na silang proposal para ngayong taon sa pag- asang makahingi ng panibagong pondo sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya kung madadagdagan ang kanilang pondo ay mas marami pa silang matutulungan tulad na lamang ng pamimigay ng bangka sa mga maliliit na mangigisda.
Si Marcos ang siya rin ngayong pansamantalang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture kung saan isa sa mga attached- agency nito ay ang BFAR.
Kulang na kulang na daw kasi ang pondo na inilalaan sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa katunayan sa 500 units ng bangka na kanila umanong hiniling para sa buong Bicol Region ay 100 lang ang ibinigay.
Aminado si Bien na mahirap itong hati- hatiin sa anim na probinsiya sa rehiyon.
Sa naturang bilang ay 10 lang ang ibinibgay sa Camarines Norte kung saan ang awarding ceremony ay ginawa noong nakaraang linggo.
Ngayong Linggo ay maaari nang maiuwi ng mga benepisyaryo ang kanilang mga bangka.
Hindi rin aniya naibigay lahat ang hirit ng ahensiya na 3000 lambat para sa buong rehiyon sa halip ay 300 lang ito na kailangang paghahati- hatian ng bawat probinsiya at munisipyo.
Ipinaliwanag ni Bien ang proseso ng pagpili sa mga benepisyaryo kung saan ang Lokal na Pamahalaan ang tumutukoy sa kanila.
Pagkatapos na ma- identify ay nagsasagawa ng validation ang BFAR upang masiguro na ang mabibigyan ng bangka ay ang mga lubhang nangangailangan.
