Malaking dagok umano sa hanay ng mga rebeldeng NPA ang pagkakaaresto sa kanilang anim na matataas na lider.
Ito ang inihayag ni Army Major Jekyll Dulawan, ang Chief DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos maaresto ng militar at kapulisan ang anim na high rank officials ng New Peoples’ Army (NPA) sa Northern Luzon sa kanilang isinagawang operasyon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Gil Peralta alyas “Elmo”, ang Kalihim ng Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KR-CV) na nadakip sa sa Barangay Mariblo, Quezon City; Irene Agcaoili alias “Ayang”, Head Finance ng KR-CV; Lourdes Bulan alias “Simang”, EXECOM member ng KR-CV; Arcadio Tangonan alias “Tiago”, IO ngKR-CV; alias “Bonel”, Intelligence Officer ng KR-CV; at alias “Bebang” na pawang nadakip sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.
Matagumpay na isinagawa ang naturang operasyon ng mga kasapi ng 5th Infantry Division (5ID), 7th Infantry Division (7ID), Joint Task Force NCR, AIR PA at PNP-CIDG Bulacan at Quezon City kung saan narekober din isang M16 rifle, tatlong Cal. 45 pistol, limang anti-personnel mine, at tatlong hand grenade.
Ayon sa militar, tatlo sa mga naaresto na kinabibilangan nina Gil Peralta, Irene Agcaoili, at Lourdes Bulan ang may nakabinbing kasong murder, multiple murder, multiple attempted murder, arson at robbery.
Muli namang ipinaabot ni Maj. Dulawan ang panawagan ni MGen. Laurence Mina, Commander ng 5ID sa mga natitira pang kasapi ng NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan upang makapagbagong-buhay.