Binatikos ni Senator Richard Gordon ang pagiging arogante umano ng Chinese na negosyante na si Michael Yang sa gitna ng Senate probe kaugnay sa kwestyunableng mga transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation kasama ang gobyerno.
Sa pagbabalik ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee ay tinanong ni Gordon kay Yang ang tungkuol sa numero ng mga gusali na inuupahan nito sa Davao City.
Sumagot si Yang na iisa lamang ang inuupahan nito, at ang tawag sa gusali ay “DCLA”.
Natanong rin ni Gordon kung ilang floors meron ang gusali, na bagay naman na hindi direktang sinagot ni Yang.
Ipinunto lamang ni Yang sa salitang Mandarin, na dahil sa pandemya ay wala nang mga tao ang umuupa sa gusali.
Sa mga sumunod na pangyayari ay sinabi ni Gordon kay Yang na walang tao ang natutuwa sa ginagawa nito, dahil sa tila mapang-asar na tono nito habang sinasagot ang katanungan ng mga Senador.
Nilinaw naman ni Yang na hindi siya arogante, at mahal niya ang Pilipinas.
Iginiit niya na nagtungo siya dito sa bansa upang magnegosyo.
Ipinaliwanag naman ni Gordon na ang nais niya lamang malaman ay kung disente ang mga negosyo na hawak ni Yang.
