Sumentro sa isyu ng unprogrammed appropriations at Balikatan Exercises ang tanong ng minority lawmakers sa plenary debates para sa panukalang budget ng Department of National Defense sa susunod na taon.
Sa interpelasyon ni House Deputy Minority Leader France Castro, inusisa nito ang sampung bilyong pisong continuing appropriations ng DND na madaragdagan din ng 25 billion pesos na unprogrammed funds sa 2025.
Paliwanag ng budget sponsor na si Agusan del Norte Representative Joboy Aquino, ang naturang pondo ay inilaan para sa procurement ng fiber system ng Armed Forces of the Philippines.
Layon aniya nito na i-upgrade ang weapons and sensor systems ng military aircrafts at sea vessels habang ang iba ay ginastos sa pagbili ng bagong aircraft.
Kinuwestyon din ni Castro ang madalas na pagsasagawa ng Balikatan Exercises kung saan apektado umano ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Tugon ni Aquino, may mga ginagawang hakbang ang DND at AFP upang hindi naapektuhan ang hanapbuhay ng mga lokal na mangingisda.
Matapos ang interpelasyon ng minorya ay na-terminate rin ang plenary deliberations para sa budget ng DND na nagkakahalaga ng 254.115 billion pesos.