Ipinunto ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na marapat lang na pataasin ang mekanismo at patatagin ang imprastruktura upang mabawasan ang panganib na dala ng sakuna.
Alinsunod nito, iminungkahi niya ang pagbuo ng isang sistema na magdedeklara ng ‘State of Imminent Disaster’ at pagpapahintulot sa pagpapatupad ng proactive measures bago ang kalamidad.
Anya, sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng ‘anticipatory action’ na makakabawas sa epekto ng forecast hazard bago ito maranasan ng mga tao.
Kaugnay nito, dapat umanong maglaan ng pitumpung porsyento ang lokal na pamahalaan mula sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Plan’s budget upang agarang maipamahagi matapos ang pagdeklara ng State of Imminent Disaster.
Samantala, kung sakaling maging pabaya naman umano ang mga ito sa kanilang trabaho at nagresulta ito sa pagkawala ng ilang buhay at pagkasira ng mga pasilidad ay marapat lang umanong patawan ang mga ito ng multang aabot hanggang kalahating milyon o pagkakulong na aabot sa labingdalawang taon o mas mataas pa.