KORONADAL CITY — ASAHAN na ang pagdating ng mas maraming mga temperature-sensitive Covid-19 vaccine sa Rehiyon-12.
Ayon kay Dr. Edvir Jane Montañer, immunization manager ng Department of Health o DOH-Region 12, tatlong local government unit o LGU na sa rehiyon ang mayroong sub-zero o ultra temperature freezers o ULF na maaaring paglagyan ng bakuna ng Moderna at Pfizer-BioNTech.
Kabilang sa nasabing mga LGUs ang Kidapawan, Cotabato, at Polomolok, South Cotabato.
Mayroon din umanong ULF ang Tacurong City ngunit hindi ito pormal na naipaalam sa kanila.
Kabilang sa mga bakuna na nilalagay sa ULF ang Pfizer na nangangailangan ng storage temperature na -80 hanggang -60 degrees Celsius, habang -25 hanggang -15 degrees Celsius ang required temperature ng Moderna vaccine.
Sa ngayon ang Kidapawan City ang nakatanggap na ng 4,680 doses ng Pfizer vaccines, na pinaka-una sa Region 12.
Habang ang Polomolok naman ang nakatanggap ng 6,600 doses ng Moderna vaccines samantalang ang Cotabato City ang nakatanggap ng Pfizer na nagmula lahat National Vaccine Operations Center.
