NAGA CITY- Inaasahan ng lokal na gobyerno ng Naga City ang pagdating ng 40, 000 doses ng bakuna kontra COVID-19 ngayong buwan.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Nelson Legacion na siya namang kinumpirma sa Sanguniang Panlungsod ni City Administrator and acting Budget Officer Frank Mendoza.
Ayon kay Mendoza, hindi nila alam kung anong brand ito, kung Janssen na one shot lamang 40,000 ang madadagdag sa nabakunahan na, kung hindi naman ay para ito sa 20, 000 indibidwal.
Ang bakuna ay hindi isang bagsakan, bagkus by batches darating mula sa Maynila o sa lungsod ng Legazpi.
Sa huling tala ng Health Emergency Response Task Force (HERTF), umabot na sa 32, 645 o 15.6% ang nabakunahan ng 1st dose at 26, 845 o 12.8% na ang fully vaccinated sa 209, 000 populasyon ng Naga.
Hanggang ngayon, wala pang pagpayag ang IATF na bumili ng 50,000 vaccines ang LGU Naga sa nais na brand.
Gayunpaman, kung darating ang 40,000 doses plano ng HERTF na makapagsagawa ng 5, 000 jabs bawat araw at ikinukunsidera na ang Barangay Vaccination, mas marami rin ang kinakailangang magbabakuna.