CAMARINES NORTE- Tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga naghahabol sa deadline ng voter registration sa mga tanggapan ng Commission on Elections.
Kung hindi kasi mapapalawig ay magtatapos na ang pagpaparehistro bukas, September 30, 2021.
Bagamat hindi katulad sa mga malalaking Lungsod kung saan mahaba ang pila ng mga tao, kapansin- pansin ang pagdami ng mga nagpaparehistro hindi katulad noong mga nakaraang araw.
Kung dati ay marami na ang 20 hanggang 30 katao nagpaparehistro noong mga nakaraang buwan, ngayon ay inaabot na ng halos isangdaan ang mga nagpaparehistro sa loob ng isang araw.
Kadalasan ay marami lang ang nagpaparehistro sa mga ginagawang satellite registration sa mga barangay.
Marami sa mga humahabol ngayon na nagpaparehistro ay mga unang beses na boboto at ang mga nagpapa reactivate.
Pansamantala namang hindi muna nag- iisyu ng Voter’s Certification ang Comelec simula noong Lunes, hanggang bukas upang ituon ang pansin sa mga nalalabing araw ng pagpaparehistro.
Kahapon, kahit holiday sa lalawigan ng Camarines Norte dahil sa pagdiriwang ng ika- 111 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Gat Wenceslao Q. Vinzons ay bukas ang mga opisina ng Comelec para tumanggap ng mga nagpaparehistro.
