LEGAZPI CITY – Inaasahan na ng Philippine Ports Authority (PPA) Bicol na kakapal ang volume ng mga pasahero sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon dahil sa nalalapit na Semana Santa sa susunod na linggo.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PPA Bicol Spokesperson, Achilles Galindes, sinabi niyang mula pa noong Marso 14 ay nagkaroon na sila ng serye ng pagpupulong sa pangunguna ng kanilang Pamhalaang Panlalawigan, kasama na rin ang Philippine Coast Guard, MARINA, PNP, maging ang LTO dahil ang nasabing pantalan ay gateway papuntang Visayas at Mindanao, kung kaya’t inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga babyahe.
Aniya, nasa mahigit 8,000 daily average ang volume ng mga biyahero sa pantalan noong pre-pandemic period, bago, tuwing at pagkatapos ng Semana Santa, ngunit bumaba umano ito sa 5,000 nang nagkaroon ng pandemya subalit mataas pa rin naman kung titignan.
Dahil sa datos na ito, inaasahang mas dadami pa ang mga pasahero dahil unti-unti nang inaalis ang mga restrictions sa COVID-19. Sinabi rin ni Galindez, sa Matnog Port nila inaasahan ang pagdagsa ng maraming byahero, dahil ito ay isa sa mga pangunahing pantalan sa buong bansa.