CAMARINES NORTE- Sumentro sa pagbangon, pananagutan at pagkakaisa ang mensahe ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ngayong Bagong Taon.
Sa isang video message, hinimok ni Alarcon ang bawat isa na magsama- sama sa pagbangon, huwag maging makasarili at magtulungan sa pagtataguyod ng bansa at simbahan.
Aniya, ang inspirasyon ngayong 2022 ay sama- sama at tulong- tulong dahil ang lahat umano ay mayroong maiiambag anuman ang katayuan nito sa lipunan.
Matuto raw sana ang bawat isa na makinig, magparaya at managot para sa kapwa, sa kalikasan at sa mga kaloob ng Diyos.
Hinimok din ng Obispo na siyang Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang mga nakatatanda na samahan, patnubayan at alalayan ang mga kabataan ngayong panahon.
Panahon na rin aniya para iwaksi ang ugali na sarili lamang ang umaangat at huwag kalimutan ang kapwa lalo na ang mga maliliit at ang maraming kakulangan sa buhay.
Ngayong taon ay nakasentro ang aktibidad ng simbahang katoliko sa buong mundo sa panawagan ni Pope Francis na maging isang synodal church.
Bago matapos ang 2021 at sa pagpasok ng 2022 ay patuloy na nagsasagawa ng konsultasyon sa iba’t- ibang grupo at sektor ng lipunan upang pag usapan ang iba’t- ibang usapin sa loob ng simbahan at kung paano ito higit na makakatugon sa hamon ng makabagong panahon.
