SORSOGON CITY – Sa isang resolution, hiniling ng Chairman ng Committee on Tourism sa Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon na si Maria ‘Nini’ Ravanilla na magtalaga ng ‘tourist cops’ sa mga pangunahing destinasyon ng turista sa lalawigan.
Ang resolusyon na naka-address kay Sorsogon Police Provincial Office Director PCol. Arturo Brual Jr. ay humihikayat ng pagkakaroon ng dedikadong police unit katulad ng Tourism Oriented Police for Community Order and Protection o TOPCOP.
Binanggit sa panukala ang Tourism Act of 2009 na nagsasaad na ang PNP ay magtatatag ng isang Tourism Security Force na tutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan lalo na sa mga lugar na may mataas na tourism traffic.
Tinukoy dito ang lungsod ng Sorsogon, at mga bayan ng Donsol, Pilar, Matnog, Bulusan at Gubat bilang mga ‘major tourist destinations’ ng lalawigan at dapat may nakatalagang TOPCOP.
