Inaasahang masisimulan na rin sa buwan ng Hulyo ang pagbabakuna sa mga kabilang sa A4 o ang mga essential workers kabilang na ang mga uniformed personnel sa Isabela.
Ito ang inihayag ni National Health Immunization Program Coordinator Chamille Claravall ng Isabela sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Sa ngayon aniya ay ang mga kabilang palang sa A1, A2, at A3 ang tinuturukan ng bakuna at sila ang priority na hindi mawalan ng vaccine lalo pa’t mababa pa ang porsyento ng nababakunahan.
Paliwanag niya, hindi pa binubuksan ang vaccination para sa A4 dahil hindi naman umano karamihan ang mga ibinababang bakuna at tiyak na kukulangin kapag binuksan na ito.
Ipinunto niya na pinakamataas na ang 300 doses ng bakuna ang naibaba sa mga LGUs.
Gayunman umaasa naman siyang sa mga susunod na araw ay dumami ang mga dumarating na COVID vaccine upang masimulan na ang vaccination sa A4 priority list.
Sa ngayon aniya ay mayroon ng mahigit 63,000 doses ng COVID-19 vaccine ang dumating sa lalawigan ng Isabela.