CAMARINES NORTE – Inihayag ng Provincial Health Office (PHO) na magtuloy- tuloy pa rin ang pagbabakuna kahit opisyal nang binawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang deklarasyon ng state of public health emergency sa buong bansa dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na hindi pwedeng wala nang gagawin ang kanilang opisina ngayong inalis na ng Pangulo ang state of public health emergency.
Sa katunayan aniya ay darating na bukas, July 26 sa lalawigan ng Camarines Norte ang COVID-19 bivalent boosters na ibabakuna sa mga health workers at senior citizens.
Ang COVID-19 bivalent boosters ay magbibigay ng mataas na proteksyon laban sa highly transmissible na Omicron variant.
Kung maalala, Marso 2020, nang ipalabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 822 na nagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa kabila naman ng pag-alis ng state of public health emergency, binanggit din sa proklamasyon ng Pangulong Marcos na nananatiling seryosong banta para sa publiko ang COVID-19 kaya tuloy pa rin ang public health response, pagpapanatili ng tamang healthcare system capacity at mababang hospital bed utilization rates.
Kahapon sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address ay hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na magpabakuna para mayroong proteksyonsa Covid- 19.
Sa ngayon ay abala ang PHO sa pangkolekta ng listahan ng makakatanggap ng ikatlong booster shots.
Ang eligible na tumanggap nito ay ang mga healthworkers ng LGU at mga ospital kasama na ang mga senior citizen.
