CAMARINES NORTE- Hinimok ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga nag-aalaga ng hayop partikular ang aso na bantayan ang behavior o pag- uugali ng mga ito ngayong panahon ng tag- init.
Sa Press briefing kaninang umaga, inihayag ni PDRRMO Tony España na mayroon nang natatanggap na mga ulat ang kanilang opisina hinggil sa pagbabago ng ugali ng mga aso dala ng mainit na panahon.
Ani España hindi dapat ipagwalang bahala ang bagay na ito dahil ang pagbabago ng panahon lalo na ang matinding init ay may epekto sa mga alagang hayop.
Dismayado naman si Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco dahil sa kabiguan umano ng mga Local Government Units na ipatupad ang mga umiiral na batas at ordinansa ukol dito.
Kung tutuusin ay hindi na raw sana pinoproblema ito kung talagang ipinapatupad ang ordinansa hanggang sa mga barangay.
Nais ni Francisco na rebisahin ng mga LGU at kanilang ordinansa at higpitan pa ang pagpapatupad nito.
Paalala naman nito sa mga nag-aalaga ng hayop na maging responsable at huwag hayaang maging dahilan ng kapahamakan ng iba ang kanilang alaga.
“If you want to have this pet animals, we should be responsible kaya meron tayong batas para diyan, so pano maging responsible kung ang mga opisyal natin ay hindi na ini- implement ito,” ani Francisco.
Maging sa mismong kapitolyo aniya ay maraming asong pagala-gala.
Nakita umano niya ito noong Flag raising ceremony sa pagbubukas ng Bantayog Festival kamakailan.
Sa datos ng PHO, tumaas ang kaso ng animal bite sa lalawigan ng Camarines Norte noong 2022 na umabot sa 11,614.
Mas mataas ito sa 9, 941 kumpara noong 2021 at pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.
Noong 2020 o sa kasagsagan ng implementasyon ng community quarantine, umabot lang sa 6, 392 ang mga naitalang kaso.
