LEGAZPI CITY – Binabantayan ngayon ng Local Government Unit (LGU) Daraga ang kalagayan ng bawat barangay dahil sa patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa sakit na coronavirus disease (COVID)19.
Ayon kay Daraga Mayor Victor Perete, pinag-aaralan muna nito kung nararapat nga bang isailalim sa Granular Lockdown ang isang barangay sa nasabing bayan.
Maaari kasi umano na hindi makapagtrabaho ang mga residente oras na isailalim ito sa lockdown.
Maliban pa rito, magbibigay ng ayuda ang LGU sa mga residente sa tulong ng DSWD upang mapanatili ang mga ito sa kanilang tahanan.
Dagdag pa nito, kung sakali man na ipatupad ang granular lockdown ay maaari namang household ang mairerekomenda nito upang hindi lahat ay apektado.
Sinabi ng opisyal, sa ngayon ay tanging magagawa muna ng mga ito ay higpitan ang pagpapatupad sa minimum health standard protocols ng Department of Health DOH upang mabawasan at hindi na dumagdag pa ang nagpopositibo sa naturang sakit.