Pag-aresto s umano’y suspek sa buy-bust operation ng PNP Cauayan City, naging tensyonado

Naging tensyonado ang pag-aresto sa isang lalaki na nahuli umano sa buy bust operation ng PNP Cauayan ngayong araw sa Purok 7d, Brgy. District 1, Cauayan City.

Kinilala ang suspek na si Jayson Lagrimas, 25 anyos, binata, isang karpintero at residente rin sa nabanggit na lugar.

Una rito ay nagsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang pinagsanib pwersa ng PNP Cauayan at PIU kung saan nasamsam umano sa suspek ang isang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana at 600 pesos.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Lagrimas, sinabi niya na mayroon umanong kalalakihan na nagtungo sa kanilang bahay at kinapkapan siya kung saan wala naman umanong nakuha sa kaniya.

Ngunit nagulat na lamang umano siya ng dumating na ang iba pang kasapi ng pulisya ay mayroon ng isang kahon ng sigarilyo na may lamang isang pakete ng umano’y marijuana.

Depensa ni Lagrimas, hindi sa kaniya ang mga nakuhang kontra bando.

Bagaman inamin niya na gumagamit siya noon ng marijuana subalit limang taon na umano niya itong itinigil.

Batay pa sa salasay ng suspek, iniuugnay umano siya sa una nang naarestong si Joey Uy, ang may ari sa mga nasalakay na indoor plantation ng marijuana sa naturang lugar.

Dati umano kasi siyang nagtatrabaho sa printingan ni Uy at bagaman alam niya noon ang gawain nito ay nanahimik lamang umano noon subalit hinala niya na iniipit siya ng dating amo.

Samantala, ayon pa sa ulat ng pulisya kabilang umano sa DI list ang naarestong suspek.

Sa ngayon ay dinala na sa himpilan ng PNP Cauayan si Lagrimas at posibleng maharap sa kasong paglabag sa RA 9165.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *