NAGA CITY – Malaking hamon parin para sa Department of Health Camarines Sur ang maabot ang overall herd immunity.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Rey Millena, DOH Officer ng Camarines Sur, sa ginawang pagpupulong kasama ang mga Municipal Health Officer, Health Workers, Barangay Officials, mga personahe ng Department of Interior and Local Government Unit (DILG), Phil. National Police (PNP) at ilan pang mga ahensya.
Lumabas kasi sa kanilang ginawang survey ang mga dahilang nagpapaliit sa tiyansang mabakunahan kontra COVID 19 ang mga mamamayan.
Kabilang riyan ang kakulangan sa impormasyon at ang maling impormasyon tungkol sa bakuna, hesitancy o pag-aatubiling magpabakuna, takot sa bakuna at takot na maturukan. Isa ring malaking salik ang religious belief o paniniwala.
Hanggang ngayon kasi hindi pa naaabot ng Camarines Sur ang herd immunity sa target population ng DOH, kaya naman hinikayat nito ang bawat isa na dapat talagang mabakunahan kontra COVID-19 , maliit kasi ang tiyansa na mahawaan ng virus ang taong bakunado kaysa sa hindi pa nababakunahan.