Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang turista matapos masabat sa kaniya ang P840, 000 na halaga ng marijuana.
Ayon sa Kalinga Police Provincial Office, ang naaresto ay isang 25-anyos na construction worker, at residente ng House Ville Home, Barangay Palza, Aldeya, Tanay, Rizal.
Una rito, hinarang ng kapulisan na nagmamando sa checkpoint sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga ang isang pampasaherong jeep sakay ang mga turista na mula sa Barangay Buscalan at patungong Bontoc Mountain, Province.
Ito ay bilang bahagi ng kanilang nagpapatuloy na Standard Operation Procedure kung saan nagresulta ito ng pagkakasabat sa isang turista ng pitong bricks at isang tubular na pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 7, 000 gramo, isang bag, at cellphone.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Tinglayan Municipal Police Station ang naaresto para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng karampatang kaso.