Matagumpay na natapos ng Department of Public Works and Highway Region 2 ang 4,148 projects na may kabuoang budget na 124.74 billion pesos simula 2022 hanggang 2024.
Kinabibilangan ito ng 762 road infrastructures, 163 bridge projects, 550 flood control, at 2,673 na mga paaralan, multi-purpose buildings, rainwater collector system, at iba pang imprastraktura.
Naisakatuparan ang nasabing mga proyekto sa pagtutulungan ng 11 district engineering offices sa Batanes, Cagayan, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Sinabi ni DPWH Region 2 Regional Director Reynaldo C. Alconcel na dahil sa mga naipatayong tulay at kalsada napa-igting ang inter town connectivity at inter-province connectivity na nakakatulong upang mapasigla ang mithiing mapabuti at makamit ang inclusive National Development para sa mabilis, ligtas, at maginhawang paglalakbay ng mga commuters.
Maliban sa napapabuti nito ang daloy ng trapiko, napadali rin ang transportasyon ng mga kalakal at serbisyo tulad ng pang-medikal, social, at edukasyon.
Umaabot na rin sa kabuuang 464.12km na kabuuang haba o katumbas ng P17.124 billion ang kanilang natapos na mga bypass road na kinabibilangan ng Amulung Tumauini, at Bayombong-Solano Bypass Roads.
Bilang tugon ng kanilang ahensiya sa sakuna ng pagbaha sa rehiyon, binigyang pansin ni Alconcel ang kanilang natapos na 334 flood control and drainage structure projects na nagkakahalaga ng P21.008 billion.
Ayon pa kay Alconcel, kasalukuyan ang kanilang ginagawang desilting o dredging activities sa Cagayan River sa Bangag, Lal-lo; Apayao-Abulug River sa Singuiran, Abulug; at Cabicungan River sa Centro IV, Claveria.
Tuluy-tuloy rin ang kanilang pagpapatayo ng mga evacuation centers para magbigay ng temporary shelters sa mga mamayan tuwing umaapaw ang lebel ng tubig.