Nasa 812 million pesos ang inilaang pondo ng Department of Agriculture Region 2 para sa intensive Swine Repopulation sa Lambak ng Cagayan.
Ayon kay Regional Director Narciso Edillo, sa 103 clusters sa ilalim ng naturang programa ay gagamitin ang 556.5 million pesos habang inilaan naman ang 171 million pesos para sa sentineling program sa mga backyard raisers sa rehiyon.
Sa isinagawang business meeting ng mga livestock stakeholders sa pamamagitan ng livestock program ay prayoridad na makumpleto na ang sentineling sa unang semestre ngayong taon.
Upang makamit umano ang target na resulta ng mga inilunsad na programa ay maigting ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga private stakeholders at local government units gayundin upang istriktong masunod ang biosecurity measures.
Alinsunod sa direktiba ni DA Sec. William Dar, ang clustering ay isasagawa sa limang probinsya at 9 na distrito sa Lambak ng Cagayan sa ilalim ng General Appropriations Act’s Swine Repopulation, Rehabilitation and Recovery Program (GAAR 3).
Tatanggap din ng 5.5 million pesos ang mga Farmer Cooperative Associations o FCAs at Agrarian Reform Beneficiaries Farmers Associations, Indigenous Peoples Organization, sa mga ASF certified free areas na sumusunod sa biosecurity measures.
Ang mga naturang FCAs ay dapat nakarehistro rin sa DOLE, SEC, CDA at RSBSA.