CAMARINES NORTE- Kinumpirma ni Outgoing Mayor Dante “Boboy” Morales na inalok siya ni Governor- elect Ricarte “Dong” Padilla na pamunuan ang isang Task Force na magbabantay at mangangalaga sa karagatan partikular sa bayan ng Mercedes.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Mayor Morales na sa ngayon ay hindi pa malinaw ang lawak ng tungkuling ibibigay sa kaniya ng uupong bagong Gobernador ng Camarines Norte pero malaki umano ang posibilidad na tanggapin niya ang inaalok na posisyon lalo na kung ito ay para sa kapakanan ng mga maliliit na mangingisda.
Aniya, malaki ang kaniyang pagpapasalamat dahil sa tiwalang ibinibigay sa kaniya ng susunod na Gobernador.
Sina Padilla at Morales ay magkasama sa ticket na Team Matapat sa katatapos lang na May 9, 2022 Elections.
Nanalo si Padilla laban kay incumbent Governor Edgardo Tallado pero natalo naman si Morales sa nagbabalik na si Mayor- elect Alexander Lo Pajarillo.
“Nung pag usap namin ni Gobernador, sabi niya sa akin eh ikaw ang gagawin kong Provincial Task Force ng Bantay Dagat diyan sa bayan ng Mercedes, hindi naman ako umimik sabi ko sa isip ko pag iisipan ko pa, ah siguro sabi niya naman sa akin mag uusap daw kami uli pag upo niya kaya wala pa naman kaming final na usapan kung gagampan ko yung kaniyang binigay sa aking task,” ani Morales.
“Yun ngang isang gusto kong linawin sa kaniya na kung hanggang saan ang aking magiging trabaho siguro sabi ko hanggang sakalikasan kung pwede, ah mapagbigyan din ako na isama na rin sa magiging trabaho ko para magampan ko naman yung gusto na pati diyan sa mga kalikasan, dito sa ating mga bara- barangay lalo na at medyo malalayo ang aming Barangay.”
Samantala, inihahanda na rin umano ng kaniyang team ang magiging transition patungo sa papalit sa kaniyang si Mayor- elect Pajarillo.
Wala rin umano siyang “hard feelings” dahil kung ano man ang nangyari nitong nagdaang eleksyon ay parte lamang ng pulitika.
Sa katunayan ay handa umano siyang makatrabaho si Pajarillo lalo na sa bagong posisyong iniaalok sa kaniya ng susunod na Gobernador.
“Oo, walang problema, ay wala, wala, wala, natural na yun pulitika lang yun kasi sabi ko nga kami naman eh, wala pa naman ako sa pulitika eh talagang kami’y magkumpare naman niyan at siya ninong ng aking anak kaya siguro nagkataon pulitika nga, hindi maiwasan kaya nagkaroon kami ng parang ano yun, tawag diyan pagtutunggali pero hanggang pulitika lang naman yun, ah naramdaman ko naman sa kaniya na ganun din naman siya.”
Nagpasalamat din ang Outgoing Mayor sa kaniyang mga kababayan sa Mercedes dahil sa tiwalang ibinigay sa kaniya.
Umapela rin ito sa kaniyang mga supporter na makipagtulungan sa mga programa at proyekto ng susunod na administrasyon.
“Sa aking mga kababayan sa bayan ng Mercedes, lubos po akong nagpapasalamat sa binigay niyong pagtitiwala sa akin, sa maiksing panahon ay hindi naman po ako nagkulang, ginampanan ko naman yung aking obligasyon kaya lang talagang ganyan po ang pulitika, ay sabi nga, walang permanente, eh bagamat yung aking maiksing panunungkulan nagampanan ko naman po, sana po kung ano man po ang mga adhikain at magiging magagandang proyekto ng susunod na administrasyon ay tayo po ay magtulong- tulungan dito po sa ating minamahal na bayan ng Mercedes.”
