Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naiwasan sana ang pagkakaroon ng outbreak ng crown of thorns starfish sa karagatang sakop ng Jose Panganiban, Camarines Norte kung napanatili ang balanse ng ecosystem sa ilalim ng dagat.
Ito ay makaraang mamataan kamakailan ang pagdami nito na labis nang ikinababahala ng mga residente lalo na ng mga mangingisda sa lugar.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet, kinumpirma ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam na mayroon na talagang outbreak ng crown of thorns sa lugar dahil sa tila hindi na napigilang populasyon nito.
Paliwanag ni Tiam na nagiging “invasive” na ang naturang uri ng starfish dahil wala nang nagkokontrol sa pagdami nila.
Ang mga predator o kumakain umano sa crown- of- thorns ay ang pacific triton sea snail na unti- unti na ring nauubos dahil sa human consumption.
“Ang nagkokontrol po sa kaniya ay yun pong tinatawag naming triton species o di kaya yung shell yung “budjong” sa layman’s term, ani Tiam
“Kaya lang po nauubos na po siguro yung “budjong” na yun saka yung mga shell sa ilalim na yun po kasi ay pinakikinabangan din ng tao, ibig sabihin, kung wala na, kulang na ang pagbabalanse ng ating ecosystem sa ilalim sa dagat, yun po mayrong isa na magiging dominant species.”
Ipinaliwanag din ni Tiam na mayroong pakinabang ang crown-of thorns taliwas sa iniisip ng marami na perwisyo lang ang hatid nito nito.
“Sila po ang nagko- kontrol sa pagdami, (corals) pero po kinakailangan din na ang crown- of -thorn ay mayron din pong magkontrol sa kaniya.”
Nagpadala na umano ng technician ang BFAR sa Jose Panganiban at kamakalawa ay nagkaroon ng pagpupulong hinggil sa mga susunod na hakbang.
Pahirapan din umano ang pagkuha nito sa ilalim ng dagat dahil kapag ito ay nasaktan o sa kaunting galaw ay nagbubuga ito ng milyon- milyong semilya na nagiging dahilan sa pagdami pa nitong lalo bukod pa sa tinik nito.
“Ang extraction po ng crown- of- thorns ay masyado pong technical, highly technical siya dahil sa tuwing gagalawin po siya, siya ay magbubuga ng kanilang semilya kaya kinakailangan po yung parang gentle yung pagkuha sa kanila, parang tender and lover care na pagkuha sa kanila na sila ay hindi magmalay.”
Binabaon sa lupa ang mga nakukuhang crown of thorns.
Photo courtesy: Mambulao Artsncrafts