Hindi na natunton ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa residential at garment factories nito sa Valenzuela, Balintawak at maging Bulacan sa kanilang isinagawang pagsisilbi ng arrest order laban dito.
Kasunod ito sa naging desisyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na ipa-cite in contempt si Guo dahil sa pagliban nito sa mga nakaraang pagdinig.
Bago ito, naghain na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng non-bailable na kasong qualified trafficking laban kay Guo at sa labingtatlo pang indibidwal na di umano’y sangkot sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ngunit sa kabila nito, matagumpay namang naaresto ng awtoridad ang dating accountant ni Guo na si Nancy Gamo sa kanyang lugar sa Caloocan City at kasalukuyan na itong hawak ng Senado.
Base sa naging medical examination kay Gamo, nasa mabuting kalagayan naman ito.
Maalala, nakatakda sa darating na July 29 ang pagpapatuloy ng pagdinig hinggil dito.