CAMARINES NORTE- Inihain sa Sangguniang Bayan ng Basud, Camarines Norte noong Lunes ang isang ordinansa na magtataguyod sa karapatan at benepisyo ng single parents at ng kanilang mga anak.
Ito ay may titulong “An ordinance institutionalizing the programs, services, privileges and benefits for solo parents and their children, appropriating funds therefor and for other purposes pursuant to Republic Act 8972, otherwise known as the solo parent act of 2000.
Sa ilalim ng panukalang ordinansa itinuturing na solo parent ang isang babaeng nanganak na bunga ng pangagahasa at iba pang uri ng crime against chastity kahit wala pang final conviction sa offender basta ang ina ang nagtataguyod at nagpapalaki sa anak.
Solo parent din ang turing sa namatayan ng asawa at mag isang binubuhay ang anak, nakulong ang asawa at naiwan dito ang responsibilidad sa pagpapalaki ng bata, mag isang nagtataguyod sa bata dahil sa physical at mental incapacity ng asawa na sinertipikahan ng public medical petitioner.
Pasok din kategoryang solo parent ang magulang na mag isang nagpapalaki sa anak dahil sa legal separation, annulment at inabandona ng asawa, hindi kasal mapa ina o ama na piniling alagaan at buhayin ang anak kaysa ibigay ito sa institusyon, mag isang nagbibigay ng parental care at suporta sa bata gayundin ang kahit na sinong family member na siyang umako sa responsibilidad bilang head of the family dahil sa pagkamatay, abandonment, pagkawala o matagal ng pagkawala ng magulang ng bata.
Ang Lokal na Pamahalaan ay magsasagawa ng municipal- wide registration sa lahat ng solo parents at kanilang mga anak sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Mag- iisyu ang MSWDO ng Identification card sa solo parent pagkatapos magsumite ng application at proof of residency.
Nakapaloob din sa panukalang ordinansa ang anti- discrimination at pagbibigay sa solo parent ng flexible work arrangement,parental leave, educational at housing benefits at medical assistance.
Ang pondo na kakailanganin para sa implementasyon ng ordinansa kung sakaling maaprobahan ay isasama sa Gender and Development fund ng munisipyo.
