NAGA CITY- Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panglungsod ng Naga ang On Site Pay Parking Ordinance kung saan nakapaloob ang panukalang pagbayad ng mga nagpapark ng kanilang sasakyan sa tabi ng kalsada partikular sa kasentrohan ng lungsod.
Ayon kay Councilor Jose “Joe” Perez, Chairperson ng Committee on Trade and Investment at ang nagsulat ng nasabing ordinansa, ito ang isa sa mga nakikita nilang hakbang sa patuloy na pagdami ng mga sasakyang pumapasok sa lungsod. Sakaling maipasa sa konseho, agad nilang sisimulan ang implementasyon sa sentro ng Naga at mga karatig na barangay kung saan madalas na puntahan ng mga sasakyan.
Samantala, hati naman ang opinyon ng publiko tungkol sa isinusulong na ordinansa. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay “Marivic”, isang kakanin vendor, sinabi nitong maganda ang magiging epekto nito sa kaayusan ng lungsod ngunit mahirap aniya ito sa mga indibidwal na kakarampot lang ang sinasahod kung kaya’t hiling niya na sanay hindi naman kataasan ang maging singil nila sa mga ito.