OFW advocate Toots Ople, nagpasalamat sa alok na DMW secretary

Nagpasalamat ang OFW advocate at dating Labor undersecretary Toots Ople sa naging alok ni presumptive president Bongbong Marcos para pamunuan ang bagong tatag na Department of Migrant Workers.

Ayon kay Ople, ‘humbled’ siya at ‘grateful’ sa pagkakataong ibinigay ng bagong administrasyon.

Sa kabila nito, kinakailangan pa umano muna niyang kumonsulta sa kanyang mga advisers at mga kapamilya hinggil sa magiging desisyon niya kung tatanggapin ba nito ang Cabinet position.

Bilang anak ng dating senate president Blas Ople, at matagal nang namumuno sa isang OFW advocate group – sinabi ni Ople na matagal nang nananalaytay sa kanilang dugo ang pagsisilbi sa ating mga kababayan.

Nakikipag-ugnayan na umano siya sa mga migrant workers para malaman ang kanilang mga concerns para ma-prioritize ito ng pamahalaan sakali mang matuloy ang kanyang assignment.

Aminado si Ople na malaking hamon ang pagiging kalihim ng DMW kaya naman kinakailangan pa muna itong pag-isipan nang mabuti.

Sa ngayon, pinagninilay-nilayan pa umano niya kung handa na ba siyang bumalik muli sa Gobyerno, matapos ang ilang taong pagsisilbi sa bayan sa pamamagitan ng isang pribadong grupo.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *