OCD-CALABARZON, handang tulungan ang mga bayan sa Cavite na maaapektuhan ng oil spill

BATANGAS CITY – Nakahandang magbigay tulong ang CALABARZON Disaster Risk Reduction and Management Council o RDRRMC sa siyam na bayan sa lalawigan ng Cavite na posibleng maapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova sa Bataan.

Ayon sa ulat, plano ng Cavite DRRMC na bumuo ng Incident Management Team upang matugunan ng maayos ang mga bayan na maaapektuhan ng oil spill, nakatakda ring buksan ang Provincial DRRMC Emergency Operations Center upang makapagbigay ng karagdagang tulong sa Philippine Coast Guard.

Batay naman sa PAGASA, ang hangin ay nasa direksyong timog-kanluran at hilagang-kanluran na maaaring magdulot sa patuloy na pagkalat ng oil spill patungo sa mga baybayin ng Cavite.

Sa ngayon ay nagdeklara na ng State of Calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Cavite dahil sa lumalalang epekto ng oil spill sa kabuhayan ng mga residente sa naturang lugar.