Halaga ng pagkalugi ng San Jose, Occidental Mindoro dahil sa ASF, umabot na sa mahigit P106 milyon

BATANGAS CITY – Umaabot na sa P106,666,000 ang tinatayang halaga ng pagkalugi sa San Jose, Occidental Mindoro, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng African Swine Fever o ASF.

Batay sa datos, may kabuuang bilang na 9,278 ang depopulated swine at kusang namatay na mga baboy dahil sa ASF na mula sa iba’t ibang barangay sa naturang bayan.

Nitong nakaraang Martes, July 30, ay may naitala pang karagdagang 668 na baboy na positibo sa sakit at na-depopulate mula sa 98 hog raisers sa apat na barangay sa San Jose.

Samantala, wala pa ring bakuna laban sa ASF kaya’t mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga opisyales sa mga boundaries ng bawat barangay upang hindi maaapektuhan ang ibang barangay na negatibo mula sa sakit.