Ipinag-utos ng National Telecommunication Commission (NTC) sa lahat ng mga telecommunication entities na magdeploy ng libreng tawag at charging stations sa lugar na apektado ng bagyong Jolina.
Sa inilabas na memorandum ng NTC pinalalahanan nito ang mga Telcos na makipag-ugnayan sa mga local government units at patuloy na sundin ang health protocols habang ginagawa ang mga aktibidad upang maiwasan ang haawan ng COVID-19.

Pinamamadali din ng NTC ang repair at restoration ng mga nasirang pasilidad upang agad na maibalik ang telecommunication services sa mga apektadong lugar.
Umaasa naman ang ahensiya na magbibigay ng updates ang mga Telcos sa NTC kaugnay sa status ng ginagawa nitong pag-aayos para sa full restoration ng kanilang serbisyo.
Nabatid na batay sa datus ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot sa 20 ang bilang ng mga lungsod at bayan na nawalan ng kuryente habang nasa 83,650 na indibidwal o 20,777 na pamilya ang naapektuhan ng Tropical Storm Jolina sa Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, at National Capital Region.