No contact Apprehension Program, ipinatupad na sa Cauayan City

Epektibo na ang No Contact Apprehension Program (NCAP) sa lunsod ng Cauayan kung saan sa pamamagitan ng mga ikinabit na mga camera ay makikita ang mga tsuper na lumabag sa traffic rules and regulations.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauyaan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na limang araw nang ipinatutupad ang NCAP sa lunsod.

Kaugnay nito ay kahapon lamang ay nagsagawa sila ng information dissemination sa lahat ng TODA Presidents, PNP, HPG, LTO at iba pang stakeholders kung saan ipinaliwanag sa kanila ang operasyon ng NCAP.

Read More:  DOH-XII records 277 new HIV cases in first quarter of 2026

Paliwanag niya, sa pamamagitan nito ay mahuhuli ang mga motorista na lumabag sa mga traffic rules and regulations na saklaw ng NCAP.

Halimbawa aniya kailangang sumunod sa itinakdang speed limit na 60 km/h sa oras na bumabaybay na sa mga lansangan na sakop ng Cauayan City kahit sa mga oras na maluwag na ang lansangan dahil kung hindi ay maa-prehend sila ng camera.

Papasok naman ito sa kanilang system at sa pakikipag-ugnayan sa LTO ay malalaman ang mga impormasyon tungkol sa may-ari ng naturang sasakyan na sangkot sa violations.

Read More:  Woman rider suffers injuries after crashing due to stray dog crossing road in Aborlan

Maipapadala naman ang Notice of Violation sa address ng mga ito sa pamamagitan ng post office at sa loob ng sampong araw ay kailangang mabayaran nila ang kaakibat na penalty sa LTO o bayad center.

Sinabi pa ni POSD Chief Mallillin na sa mga hindi makakabayad ay madaragdagan ang kanilang multa at hindi sila makakapagrenew ng lisensya o rehistro ng sasakyan maliban lang kung nabayaran na ito.

Dagdag pa ng Hepe, kahapon lamang ay umabot na umano sa 500 ang mga naapprehend na violations ng NCAP kung saan mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang mga nakitang may paglabag.