Nakahanda ang National Commision on Indigenous People Region 2 na tulungan ang mga grupo ng indigenous people sa Region 2 na magkaroon ng Certificate of Ancestral Land Title (CALT) o titulo ng pagmamay-ari nilang lupain.
Ito ang inihayag ni Atty. Richard Suyu mula NCIP Region 2 sa ika-23 na episode ng Up-Up Cagayan Valley ng Tactical Operation Group 2 (TOG2).
Aniya, may mga lupa umano na pagmamay-ari ng IP groups na inaagaw ng mga Communist Terrorist Group lalo umano kung hindi pa nakapagdeklara ang mga katutubo ng kanilang ancestral domain o wala pang titulo ang kanilang lupa.
Dagdag pa ni Atty. Suyu, nakahanda na ang mga abogado ng ahensya upang matulungan ang mga IP groups ng serbisyong legal kung saan nagkakaroon muna ang NCIP Region 2 ng imbestigasyon.
Sa oras umano na mapatunayang may karapatan ang mga IP groups sa naturang lupa ay tutulungan ang mga ito na magfile ng kaso at nakahanda naman ang mga abogado ng NCIP Region 2 na depensahan ang mga ito.
Tiniyak naman ni Atty. Cynthia Marie Tablang ang Regional Hearing Officer ng NCIP Region 2 na nakikipag-ugnayan muna ang kanilang ahensya sa hanay ng kasundaluhan at hinihintay na maideklarang wala ng presensya ng makakaliwang grupo sa isang barangay bago ito puntahan.
Aniya, ipinapaliwanag rin ng kanilang ahensya sa mga IP group na kanilang pinupuntahan na tanging ang gobyerno lamang ang makapagbibigay ng land title upang maiwasang malinlang ng makakaliwang pangkat.