New travel protocols sa City of Ilagan, inilabas; No Home Quarantine Policy, mananatili

Iniutos ni City of Ilagan Mayor Josemarie Diaz ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols kasabay ng muling pagtaas nang naitatalang kaso ng COVID-19 sa naturang siyudad.

Sa official statement ni City Mayor Josemarie Diaz noong August 9, 2021, kanyang inatasan ang PNP, barangay officials at health personnel na mahigpit na ipatupad ang health protocols sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang posibleng hawaan ng virus.

Una nang isinailalim sa localized lockdown ang mga barangay ng Cabannungan 2nd; Sta Isabela Sur; Calamagui 2nd; Guinatan maging ang Purok 4 ng Brgy. Alibagu; Purok 6 ng Baligatan; Purok 6 ng Brgy. Cab. 10 at Purok 2 ng Brgy. Rugao, City of Ilagan dahil pa rin sa naitatalang kaso ng COVID-19.

Read More:  Davao City plans 20 new buses, digital tracking system

Ito ay batay sa inilabas na Executive Order No. 35 kung saan nagsimula ang lockdown alas-8 noong gabi ng August 9, 2021 at magtatagal hanggang alas-8 ng gabi ng August 13, 2021.

Maliban dito ay inilabas din ang EO No. 24 na naghahayag ng bagong travel protocols sa mga magtutungo sa siyudad ng Ilagan.

Ayon sa paliwanag ng alkalde, ang lahat ng mga magtutungo sa siyudad na galing sa labas ng Isabela ay kinakailangang kumuha ng S-Pass Travel Coordination Permit at magpresenta ng RT-PCR negative result na inilabas sa loob ng 72 hours pagdating sa lunsod.

Maging ang mga travelers naman na galing sa sa syudad o munisipyo sa loob ng lalawigan ay kailangan ding mag-secure ng S-Pass Travel Coordination Permit at magpresenta ng RT-PCR o Antigen Negative result.

Read More:  CCTV records alleged abduction in Cebu City

Lahat naman ng APOR na magtutungo sa syudad o residente ng siyudad ay kinakailangang magpakita ng certificate of employment at company ID.

Maliban dito, mahigpit din iniutos ng alkalde ang pagpapanatili ng “No Home Quarantine Policy” sa apektado ng virus at kailangang lahat ay nasa quarantine facilities upang maiwasan ang hawaan.

Isa rin sa pinaalala ni Mayor Diaz ang mahigpit na pagpapabawal ng mass gatherings maliban na lamang sa mga otorisadang aktibidad ng mga tanggapan ng gobyerno, religious rites at services.

Bawal pa rin ang operasyon ng mga palaruan, mga resorts, swimming pools, pagligo sa mga ilog at mga contact sports activities.