Ipinag-utos na ni National Capital Region Police office Acting Regional Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang airtight investigation at paghuli sa lahat ng suspek na sangkot sa karumal-dumal na pagpatay sa fraternity-related hazing victim na si Ahldryn Bravante.

Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District na hawak na nila ang anim na suspek na kinilalang sina Justin Artates Cantillo; Mark Leo Domecillo Andales;kapwa itinuturing na Deputy Grand Triskelion ng Tau Gamma Phi; Kyle Michael Cordeta De Castro, treasurer; Lexer Angelo Diala Manarpies, ang sinasabing Master Initiator ; John Xavier Clidoro Arcosa; at John Arvin Kaylle Regualos Diocen.
Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 11053, o ang Anti-Hazing Act of 2018, at robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon kay NCRPO spokesperson PLT. Col. Eunice Salas, patuloy ngayong nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matunton ang kinaroroonan at agarang pagdakip sa iba pang mga suspek.
Tiniyak aniya ni Nartatez sa pamilya at kaanak ng biktima na ibibigay ang karampatang hustisya sa kanila.
Hinimok din ng pulisya ang publiko na tumulong sa mga awtoridad na mahanap ang iba pang suspek sa krimen.