Naniniwala si House Committee on Transportation Chairperson at Antipolo City Second District Representative Romeo Acop na hindi gaanong makakaapekto ang ikakasang nationwide transport strike ng grupong MANIBELA bukas.
Sa panayam kay Acop sa Kamara, sinabi nitong nakahanda naman ang gobyerno na magbigay ng alternatibong transportasyon para sa mga pasahero.
Kung titingnan ang mga nakalipas na transport strike, hindi aniya ito gaanong nakaapekto dahil tanging MANIBELA ang nagdeklara.
Aminado rin si Acop na wala pang napatutunayan sa mga akusasyon ng katiwalian sa PUV Modernization program makalipas ang unang pagdinig.
Bagama’t naghain ng resolusyon si Laguna Representative Dan Fernandez upang palawigin ang deadline ng PUV consolidation, hindi ito naaprubahan noong nakaraang linggo dahil sa kawalan ng quorum.
Sa halip, pinahahanda ng komite sa secretariat ang draft ng resolusyon para sa ikalawang pagdinig na posibleng itakda sa January 24.
Mababatid na pinasisilip sa Kamara ang sinasabing sabwatan sa pagitan ng mga kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Transportation hinggil sa korapsyon na bumabalot sa modernization program.