Madali na ang pagkuha ng national ID, maari na itong iproseso sa isang sikat na mall sa Batangas City.
Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Bb. Caroline Turla, Registration Supervisor ng Batangas City PhilSyS national ID, madali na ang pag-proseso sa pagkuha ng national ID sa SM City Batangas kung saan dito isasagawa ang screening at ang pagkuha ng biometrics, dito na din kukuhanan ng larawan ang sinumang magsasadya at mag-aaplay para sa naturang ID.
Ipinaalala lamang ni Bb. Turla na bago magsadya sa kanilang tanggapan sa SM City Batangas ay kinakailangan na muna mag-online registration para sa kaukulang iskedyul upang sa ganun ay hindi magka-sabay sabay pagtungo sa center at para na din sa kaligtasan ng lahat.
Maaring bisitahin na muna ang https://register.philsys.gov.ph upang irehistro ang detalye ng inyong pagkatao upang mapadali na ang paglalatag ng impormasyon sa registration center.
Sa pagtungo sa registration center kinakailangan pa rin ang pagsunod sa health protocols, dadaan pa rin sa pagfill-up ng health declaration form, pagkuha ng temperatura at pagpirma sa logbook.
Kasunod na nito bilang step 2 ang screening, pagpresenta ng isang government issued ID gaya ng Driver’s license o kung wala naman kaukulang ID ay maaring PSA birth certificate o barangay certficate na mapapatunayang doon nakatira ang isang individual gaya ng naging sitwasyon sa mga kapatid sa kominuidad ng mga katutubo mula Mindanao sa Batangas City.
“Layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng Pilipino ay may National ID para hindi na sila mahihirapan sa mga transaksyon pagdating sa public o private agencies, mapapansin natin nahihirapan silang umutang lalo na ang mga low income, kasi wala silang proof of identity, minsan sa banko naman po hinahanapan sila ng dalawang IDs lalo na sa employment,” saad pa ng opisyal.
Libre ang pagkuha ng national ID, ipinaalalang walang kaukulang babayaran ang naturang proseso maging ang ID cards na dadating sa inyong mga bahay, ipresenta lamang ang nakuhang QR code matapos masagawa ang step 2 mula sa registration center.
Sa kasalukuyan ay may 40 registration centers na ang binuksan sa ibat ibang bayan at siyudad sa Batangas, kabilang SM Lipa at SM Lemery, bukas na din ang sa Walter Mart ar Fiesta Mall.