Muling binigyang-diin ng Philippine Statistics Authority Region 2 na kailangang kilalanin ng anumang establishimento ang National ID bilang Valid Identification Card ng kanilang kliyente.
Ito ang inihayag ni PSA Region 2 Officer-in-Charge Girme Bayucan kasabay ng mga natatanggap pa ring reklamo ng publiko na mayroong mga entidad na hindi pa rin tumatanggap ng National ID.
Aniya, bagaman walang pirma ang mismong ID ay sapat na ang iris scan at fingerprint na nagsisilbing digital identification ng isang tao.
Paliwanag nito, mabilis lamang iberipika kung totoo ang hawak ng kliyente na National ID sa pamamagitan ng digital authentication service.
Sa ngayon, mayroon nang mahigit tatlong milyon na katao ang nakarehistro sa Philsys sa rehiyon kung saan dalawang milyong physical ID na ang nai-deliver at 1.4 milyon naman ang na-isyu na electronic at paper ID.# | (Driz)